Nagsimula na ang Philippine National Police (PNP) ng nationwide manhunt laban kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa kaugnay ng warrant of arrest na inilabas ng International Criminal Court (ICC).
Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., ipinakalat na ang mga tracker team matapos payagan ng Department of Justice (DOJ) ang pagpapatupad ng pag-aresto laban sa senador.
Sinabi ni Nartatez na inatasan ang mga pulis na pairalin ang maximum tolerance at sundin ang tamang proseso sa operasyon upang maprotektahan ang karapatan ng lahat ng sangkot.
Dagdag pa niya, kapag naaresto si Dela Rosa ay agad itong isasailalim sa kustodiya ng DOJ.
Samantala, hindi muna isiniwalat ng DOJ kung agad bang dadalhin si Dela Rosa sa The Hague, Netherlands, kung saan matatagpuan ang detention facility ng ICC.
Bukod sa PNP, nagsagawa rin ng hiwalay na operasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) upang hanapin ang senador.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, agad nilang aarestuhin si Dela Rosa kapag natunton nila ito.
Samantala, itinanggi ni Sen. Robinhood Padilla ang alegasyong tinulungan niyang makatakas si Dela Rosa mula sa Senado.
Iginiit din ni Padilla na hindi niya itinuturing na “fugitive” si Dela Rosa at naniniwala siyang dapat manaig ang proseso ng batas sa Pilipinas. (Report by Bombo Jai)
















