-- Advertisements --

ILOILO CITY – Malugod umanong tinanggap ni Former Agriculture Secretary Emmanuel “Manny” Piñol ang alok ng incoming Marcos administration na pamunuan ang food security group.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Piñol, sinabi nito na kinausap siya ni incoming national security adviser Prof. Clarita Carlos na tulungan siya sa paggawa ng national food security strategy.

Ayon kay Piñol, naintindihan mismo ni President-elect Ferdinand Marcos Jr. ang problema sa food security at nakahanda itong tumulong sa pangulo sa kanyang plano na maging pundasyon ng economic recovery program post COVID-19 ang agrikultura.

Anya, panahon na upang pangunahan mismo ng administrasyon ang food production lalo na sa bigas at hindi lang basta magdepende sa importasyon mula sa ibang bansa.

Panahon na rin anya upang makabangon na ang mga magsasaka mula sa pagkalugi dahil sa murang bilihin ng bigas.