Ipinahayag ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na napagdesisyunan nito na isulong ang kanilang pilot project ng isang wholesale central bank digital currency (CBDC).
Layunin nito na palakasin ang katatagan ng payment system sa bansa.
Ayon sa bangko sentral, tatawagin bilang CBDCPh ang naturang proyekto na target na gumamit ng digital currencies sa mga malalaking transaksyon sa isang 24/7 basis.
Sinabi ni Governor Benjamin Diokno na sa gagawing pilot testing sa ilang financial institutions ay higit na mauunawaan ang mga opportunities at panganib ng mas advance na wholesale CBDC project.
Samantala, nakatakdang pangunahan ng isang intersectoral project management team ang nasabing proyekto upang tiyakin ang coverage ng mga critical operational areas tulad ng mga policy and regulatory considerations, technological infrastructure, governance, at mga organizational requirements.