-- Advertisements --

Tinalakay ni Cabinet Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr. at delegasyon mula sa Poland ang pagpapalawak ng kooperasyon ng dalawang bansa sa larangan ng agrikultura, kalakalan, at pagpapaunlad ng kasanayan ng mga manggagawa.

Pinangunahan ni Poland Minister of Agriculture and Rural Development Stefan Krajewski ang delegasyon na nakipagpulong sa mga opisyal ng Department of Agriculture, Department of Migrant Workers, at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) upang talakayin ang mga bagong oportunidad para sa bilateral na ugnayan.

Kabilang sa mga napag-usapan ang pagpapalakas ng kalakalan ng produktong agrikultura tulad ng baboy, manok, mansanas, butil, at iba pang produktong pagkain, pati na rin ang pagpapalawak ng pagsasanay at sertipikasyon para sa mga Pilipinong manggagawa.

Ayon sa datos ng Bureau of Animal Industry, umabot sa 25,009 metriko tonelada ang meat shipments mula Poland patungong Pilipinas mula Enero hanggang Hunyo.

Lumago rin ng 30.6 porsiyento ang agri-food exports ng Poland sa bansa, mula 81.1 milyong dolyar noong 2024 hanggang 106 milyong dolyar noong 2025.

Ipinahayag naman ni Minister Krajewski ang pagpapahalaga ng Poland sa mga Pilipinong manggagawa, na kinilala niyang mahalagang bahagi ng kanilang ekonomiya dahil sa kanilang kasipagan, kakayahan, at husay sa pakikipag-ugnayan.

Tiniyak ni Abalos na patuloy na palalakasin ng pamahalaan ang ugnayan ng Pilipinas at Poland sa pamamagitan ng koordinasyon at patuloy na pag-uusap upang makamit ang kapakinabangan ng dalawang bansa.