-- Advertisements --

Aksidenteng nadiskubre ng Philippine Coast Guard (PCG) ang umano’y kaso ng human trafficking habang rumeresponde sa isang capsized na motorboat sa karagatang sakop ng Balabac, Palawan noong Hunyo 8.

Isang concerned citizen ang nagreport ng insidente, dahilan para magsagawa ng search and rescue operation ang PCG sa nasabing lugar para sa siyam na pasahero at dalawang tripulante ng MBCA Kumpit.

Walo sa kanila ang naisalba sa tulong ng mga lokal na mangingisda at residente. Ayon sa mga survivor, patungong Malaysia ang kanilang biyahe sa pamamagitan ng backdoor route mula Bataraza, Palawan.

Galing umano sila sa Puerto Princesa at bumiyahe ng anim na oras sakay ng van patungo sa coastal pickup point. Ngunit ilang sandali matapos maglayag, nasira ang makina ng bangka. Tumalon ang skipper upang humingi ng tulong ngunit hindi na bumalik.

Patuloy ang paghahanap sa dalawa pang nawawala, habang kinumpirma ng PCG na isa sa mga babaeng pasahero ay nasawi sa insidente.

Naglunsad din ang mga awtoridad ng follow-up operation matapos makatanggap ng impormasyon mula sa mga survivor ukol sa isa pang grupo ng umano’y illegal recruits. Natagpuan at nasagip rin ang mga ito, na una ay nagpakilalang mga turista.

Iniimbestigahan na ng PCG at Philippine National Police ang pagkakakilanlan ng mga nasagip at ang posibleng sindikato sa likod ng trafficking route.(REPORT BY BOMBO JAI)