Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kauna-unahang pagkakataon ang command conference ng Philippine National Police ngayong araw sa Kampo Crame, Quezon City.
Ito ang kinumpirma ni PNP Chief PGen. Benjamin Acorda Jr. sa isang mensahe kung saan binanggit niya na walang kakaiba at bagkus ay regular na Command Conference lamang ang idadaos ngayong araw.
Dito ay inaasahang mag-uulat ang PNP kay Pangulong Marcos Jr. hinggil sa mga accomplishments nito at maging sa kasalukuyang sitwasyong pang-seguridad sa bansa.
Kasabay nito ay inaasahan din na magbibigay ng direktiba si PBBM sa Pambansang Pulisya kaugnay pa rin sa mga usaping may kinalaman sa pagtitiyak ng seguridad, kapayapaan, at kaayusan sa Pilipinas.
Samantala, kaugnay pa rin nito ay pansamantala munang sinuspinde ang transakyon ng publiko sa ilang mga tanggapan ng PNP sa Kampo Crame bilang pagbibigay-daan pa rin sa naturang aktbidad.
Kaalinsabay nito ay ang mahigpit din na implementasyon ng seguridad sa buong kampo kung saan nagpatupad ng partial lockdown sa lugar mula alas-8:00 ng umaga kung saan may ipinairal din na traffic re-routing scheme, at no entry area sa Headquarters Support Service sa ilang lugar.