-- Advertisements --
nurses

Aprubado na sa committee level sa Senado ang panukalang batas ni Senador Jinggoy Estrada na magtatatag ng scholarship at return service program para sa mga nursing students sa bansa.

Ang panukalang Nursing Scholarship and Return Service Program (NSRS) ay magbibigay ng tulong pinansyal sa mga karapat-dapat na mag-aaral sa mga state universities and colleges (SUCs) o mga pribadong higher education institutions (HEIs) sa mga rehiyon kung saan walang SUCs na nag-aalok ng kursong Nursing.

Sinasaklaw ng program ang halos lahat ng gastos ng mag-aaral.

Ikinatuwa ni Estrada ang hakbang ni Sen. Francis Escudero, chairperson ng Committee on Higher, Technical and Vocational Education, na aprubahan “in principle” ang SB 2342 sa isinagawang pagdinig.

Sa ilalim ng programang ito, tutustusan ng pamahalaan ang iba’t ibang bayarin gaya ng matrikula at iba pang gastusin sa paaralan maging ang pangangailangan sa pambili sa mga libro at kagamitan, uniporme, pambayad sa dormitory at transportasyon.

Inaatasan ang mga estudyanteng nasa ilalim ng NSRS na kumuha ng full load ng kanilang subjects sa bawat semester at kumpletuhin ang kurso sa loob ng itinakdang panahon ng SUC o HEI.

Bukod dito, kailangan silang kumuha ng board examination sa loob ng isang taon ng kanilang pagtatapos ng mandatory internship program at tuparin ang return service na nakasaad sa panukalang batas.

Kapag pasado na sa Nursing Licensure Examination (NLE) na pinangangasiwaan ng Professional Regulation Commission (PRC), ang iskolar ay dapat na maglingkod sa isang government public health office, pampublikong ospital o anumang pampublikong pasilidad pangkalusugan sa kanyang bayan o probinsya o sa mga munisipalidad na malapit sa kanyang lugar.

Kailangang maisagawa at makumpleto ng iskolar ang return service work sa loob ng tatlong taon mula sa pagpasa sa NLE.

Ayon pa kay Estrada, doble ng halaga ng scholarship at iba pang benepisyo ang kailangang ibalik ng iskolar sakaling bigo itong maisakaturapan ang return service work sa itinakdang panahon sa ilalim ng panukalang batas.