Inaprubahan ng Kamara ang panukala na magtatakda at magpapalakas sa tungkulin ng Parent-Teacher and Community Associations (PTCA) sa pangkalahatang pagpapaunlad ng mga bata.
Sa botong 202 pabor at walang tumutol, pinagtibay ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill (HB) No. 9670 na layong amyendahan ang Presidential Decree (PD) No. 603 o ang Child and Youth Welfare Code.
Kabilang sa mga may-akda ng panukala sina Tingog Partylist Reps. Yedda K. Romualdez at Jude Acidre, BHW Partylist Angelica Natasha Co, Quezon City Rep. Franz Pumaren, TGP Partylist Rep. Jose “Bong” Teves, Cavite Rep. Lani Mercado Revilla, Parañaque City Rep. Edwin Olivarez, at ilang pang mambabatas.
Layunin ng panukalang batas ang pagkakaroon ng early child development center sa mga basic education school na mag-organisa ng PTCA na bubuohn ng mga magulang, parent-substitutes, guro, community development workers, at mga kinikilalang grupo sa pamayanan mula sa iba’t ibang sektor.
Hinihikayat din ng panukala ang mga tatay at mga kalalakihang tagapag-alaga sa lumahok sa gawain ng PTCA.
Sa ilalim ng HB 9670, ang PTCA ay makikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan ng lalawigan, lungsod, munisipalidad, at school officials sa pagtataguyod ng adbokasiya at pagpapatupad ng mga programa na magtatanggol sa karapatan at mangangalaga sa kapakanan ng mga bata, gayundin ang paglikha ng programang makakatulong sa kanilang pag-unlad.
Bahagi din ng tungkulin ng PTCA ang pagtiyak ng pakikipagtulungan ng mga magulang, parent-substitutes, mga guro, at grupo sa komunidad; pakikipag-ugnayan sa mga bata, sa pamamagitan ng student councils, magulang, parent-substitutes, at samahang pangkabataan sa pagpaplano ng mga naangkop na programa, proyekto at mga gawain.
Sakaling maging ganap na batas, ang PTCA ay magiging daan para sa mga stakeholder na magdisenyo ng mga naaangkop na programa, talakayan, at magrekomenda ng hakbang o solusyon; at suportahan ang pagpapatupad ng mga patakaran sa pangangalaga sa mga bata sa mga paaralan at pamayanan.