-- Advertisements --

Pinag-aaralan ng pamahalaan ang pagpapatupad ng daylight saving time sa gitna ng naobserbahang mabigat na daloy ng trapiko sa National Capital Region sa ilalim ng Alert level 1.

Ayon kay MMDA Chairman Romando Artes, inirekomenda na maaaring gawin mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon ang pasok sa gobyerno maging ang mga transaksiyon sa gobyerno.

Malaking bagay aniya ito dahil makakaapekto ito hindi lamang sa mga manggagawa ng gobyerno kundi sa transaksyon na din ng gobyerno.

Base sa datos mula sa MMDA, ang dami ng mga sasakayan na bumabaybay sa EDSA kada araw bago nagka-pandemiya ay nasa 405,000.

Bago naman nagpatupad ng oil price hike, nasa 390,000 ang daily volume ng mga sasakyan subalit bumaba ito ng 370,000 matapos ang sunud-sunod na linggo ng pagtaas ng presyo sa langis.

Sa kasalukuyan, ipinapatupad ang number coding sa kahabaan ng EDSA mula alas-5:00 ng hapon hanggang alas-8:00 ng gabi.

Pinag-aaralan na rin ngayon ng MMDA kung ipapatupad na rin ito sa umaga.