ILOILO CITY – Hindi pa nagpapatupad ng lockdown ang bansang Tanzania sa East Africa sa kabila ng patuloy na pagtaas ng kaso ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Bombo International Correspondent Rufil Clamano na nasa Tanzania, kulang ang ginagawa ng gobyerno sa pagtugon sa krisis dala ng nasabing virus.
Ayon pa kay Clamano, hindi rin kapani-paniwala ang bilang ng kaso na ipinalalabas ng health ministry sa lugar.
Sa ngayon, base sa data na ipinalabas ni Health Minister Ummy Mwalimu, umabot na sa 284 ang kaso ng Covid-19 sa Tanzania, sampu ang naitalang patay, habang 37 ang naka-recover.
Ito ay taliwas sa pahayag ni President John Magufuli na higit 100 ang naka-recover.
Dagdag pa ni Clamano, naniniwala ang ibang tao sa Tanzania na mas marami pa ang numero ng infected ngunit hindi lang isinailalim sa COVID-19 test.
Kapansin-pansin din daw na kulang ang resources ng gobyerno kaya inaasahang kung ipapatupad na ang lockdown, walang cash aid o ayuda na maibibigay sa mga tao.
Napag-alamang hindi rin mahigpit ang otoridad sa pagpapatupad ng mga protocol at nagkakanya-kanya na lamang ang mga tao sa pagsara ng kanikang establishemento upang matiyak ang kanilang kaligtasan.