Emosyunal na ikinuwento ni Sen. Francis Pangilinan ang dahilan na nag-udyok sa kanya para tumakbo bilang bise presidente sa halalan sa susunod na taon.
Sa isang pulong balitaan pagkatapos na maihain niya ang kanyang certificate of candidacy ngayong araw, pinipilit ni Pangilinan na mapigilan ang kanyang mga luha nang inaalala ang speech ni Vice President Leni Robredo nang inanunsyo nito kahapon na siya ay tatakbo na sa pagkapangulo.
“Una, mga luha ng agam-agam at pangamba dahil habang nagsasalita si Ma’am Leni, bigla kong naramdaman ang buong bigat at magiging pasanin ng landas na aming tatahakin tungo sa pamumuno sa isang bansang naghihikahos at gumagapang,” ani Pangilinan.
“Pangalawang dahilan, mga luha ng pag-asa na sa pagdeklara ni Ma’am Leni ng kanyang pagtakbo para sa pagkapangulo,” dagdag pa niya.
Ayon kay Pangilinan, isa siya sa mga nagtulak kay Robredo para tumakbo sa pagkapangulo anim na buwan ang nakararaan.
Sa isang text message na kanyang pinadala kay Robredo noong Abril, sinabi ni Pangilinan na hinimok niya itong ikonsidera ang pagktakbo sa pinakamataas na posisyon sa pamahalaan.
Noong mga panahon na iyon, sinabi ni Pangilinan na mas nais daw ni Robredo ang ipaabot ang kanyang serbisyo sa local at grassroots level.
Anim na buwan ang nakalipas, sinabi ni Pangilinan na si Robredo naman ang humimok sa kanya na maging kanyang running mate.
Habang ibinabahagi ito, mangiyak-ngiyak si Pangilinan sa pagsasabi ng kanyang pangarap para sa mga Pilipinong nahihirap sa nakalipas na mga taon, lalo na rin ngayong panahon ng pandemya.
“Ang pangarap ko para sa bayan: Sana all may trabaho at maayos na kita. Sana all may sapat na pagkain sa mesa. Sana all may bakuna. Sana all ligtas sa sakit,” ani Pangilinan.
“Sana all may sariling tahanan. Sana all makapagtapos ng pag-aaral,” dagdag pa niya.