KORONADAL CITY – Nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng Banga PNP kaugnay sa nangyaring pamamaril sa isang pamilya sa bayan ng Banga, South Cotabato.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Major Joseph Forro, hepe ng Banga, PNP nangyari ang pamamaril sa kusina ng bahay ng pamilya Seguin matapos silang pasukin ng pinaniniwalaang mga armadong kalalakihan.
Tinamaan ng bala ng ilang beses ang padre de pamilya na kinilalang si Antonio Corpus Seguin na nagtamo ng sugat sa tiyan at sa kanyang binti.
Nakaligtas naman ang asawa ng biktima at ang pinsan nito pati na ang ilang miyembro ng pamilya.
Agad namang tumakas ang mga suspek sa hindi malamang direksiyon habang naisugod pa sa pagamutan ang biktima at kasalukuyang nagpapagaling.
Narekober naman sa crime scene ang mga basyo ng bala ng kalibre .45 na baril.
Sa ngayon inaalam pa ng mga otoridad ang motibo sa nasabing krimen.