-- Advertisements --

Tahasang itinanggi ng Malacañang ang mga alegasyong hindi buo ang suporta ng gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagkalas ng bansa sa Visiting Forces Agreement (VFA) gaya ng inihayag ni Sen. Panfilo Lacson.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, lahat ng mga miyembro ng gabinete ay sinusuportahan ang foreign policy ni Pangulong Duterte. 

Sa pahayag ni Sen.Lacson sa isang press briefing kahapon, maraming miyembro ng gabinete ang hindi pabor sa pagkalas ng bansa sa VFA at natatakot lang umanong sabihin ang kanilang personal na mga pananaw kay Pangulong Duterte.

Personal umanong nakausap ni Lacson ang ilan sa mga Cabinet members na ito. 

Magugunitang una nang sinabi ni Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. na mas maraming benepisyo pa rin ang makukuha ng bansa kapag tuloy at hindi mapuputol ang VFA. 

Si Defense Sec. Delfin Lorenzana ay nagsabi rin noon na may implikasyon sa bansa ang VFA termination.

Inamin naman noon ni Sec. Panelo, na hindi kumonsulta si Pangulong Duterte sa kanyang gabinete bago siya nagdesisyong kumalas sa VFA. 

Gayunman, hindi naman daw basta-bastang nagdesisyon lang si Pangulong Duterte at pinag-isipan umano nitong mabuti ang implikasyon sa bansa.