Iginiit ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na walang basehan ang mga pahayag ni Vice President Sara Duterte na sinusuportahan umano ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang International Criminal Court (ICC) laban sa dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Castro, posibleng bunga lamang ng pagkadismaya ng Bise Presidente ang kanyang mga pahayag dahil nililitis sa ICC ang kanyang ama.
Binigyang-diin din niya na ang kasong isinampa laban sa dating pangulo ay nagsimula pa noong 2017, panahong pribadong mamamayan pa lamang si Pangulong Marcos.
Aniya, tumutupad lamang ang Pangulo sa umiiral na batas at hindi siya dapat sisihin sa kinakaharap na kaso ng dating pangulo.
Samantala, sinabi ni Castro na wala pa ring pagbabago sa posisyon ng administrasyon hinggil sa muling pag-anib ng Pilipinas sa ICC, dahil wala pa umanong pag-uusap ukol dito.










