-- Advertisements --

Tinawag na “pure chismis at fake news” lamang ni Atty. Salvador Panelo na nagsilbing chief presidential legal counsel ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, ang mga pahayag ni dating Sen. Antonio Trillanes IV.

Ito ang naging reaksyon ni Panelo kasunod ng naging pahayag ni Trillanes na nagsasabing kasalukuyan na raw nasa Pilipinas ang mga kinatawan ng International Criminal Court para magsagawa ng imbestigasyon sa umano’y human rights violation ng campaign against illegal drugs ng Duterte administration.

Sabi ni Panelo, kung totoo man na narito na nga sa bansa ang mga ICC investigators ay wala pa rin aniya itong makukuhang mga ebidensya sapagkat wala aniyang validation mula sa ating pamahalaan ang pagpasok nila sa Pilipinas.

Kasabay nito ay muli ring iginiit ni Panelo na hindi maaaring maging basehan ang mga sabi-sabi at haka-haka parang maging ebidensya sa nasabing kaso.