-- Advertisements --

Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang panukalang nagsusulong sa pagtatag ng Anti-Drug Abuse Councils (ADAC) sa lahat ng probinsya, lungsod, munisipalidad at barangay sa bansa.

Sa naganap na botohan, 200 kongresista ang bumoto ng pabor sa House Bill No. 7812, na kapag maging ganap na batas ay magtitiyak sa smooth implementation ng anti-drug abuse programs ng pamahalaan.

Ang ADAC ay bubuuhin ng mga local officials at mga kinatawan mula sa iba’t ibang community organization.

Ito ang siyang mamamahala sa pagpaplano, pagpapatupad at magbabantay sa mga local anti-drug abuse programs, projects, at activities. 

Ayon kay Iloilo City Rep. Julienne Baronda, isa sa mga pangunahing may-akda ng panukala, makakatulong sa kanilang mga mambabatas ang mga datos na makukuha mula sa ADAC lalo na sa pagbuo ng “cohesive and functional” na mga polisiya kontra iligal na droga.

Sinabi ng kongresista na hanggang sa ngayon mataas pa rin ang bilang ng mga kaso sa bansa na may kaugnayan sa iligal na droga, na maaring pinalala pa ng COVID-19 pandemic.