-- Advertisements --

Ikinatuwa ni Speaker Lord Allan Velasco ang pagpayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga local government units na makagawa ng advance payments sa pagbili ng COVID-19 vaccines.

Ito ay matapos na sabihin ni presidential spokesperson Harry Roque na maglalabas ng memorandum order si Pangulong Duterte na magpapahintulot sa mga LGUs na magbayad nang advance ng 50% sa pagbili ng kanilang bakuna kontra COVID-19.

Sa pamamagitan nang paglagda sa memorandum na ito, matutulungan ang mga LGUs na mag-transition sa normalcy upang makabalik na ang mga negosyo at mga displaced workers para sa muling pagsipa ng ekonomiya

Binigyan diin ni Velasco na malaking hakbang ito sa paglaban kontra COVID-19 dahil mapapabilis ang pagbili ng LGUs nang mga bakuna.

Iginiit din ng lider ng Kamara na ang pagkaantala sa pagbili at pagtuturok ng mga bakuna ay may kalakip na resulta sa kung paano uusad ang bansa sa gitna ng pandemya.

Sa ilalim ng inihain niyang House Bill 8658, papabilisin ang pagbili at administration ng COVID-19 vaccines upang matiyak na lahat ng mga Pilipino, lalo na ang mga matatanda at mahihirap, ay mababakunahan at maproteksyunan kontra nakakamatay na sakit.