-- Advertisements --

Tiyak na mapapabilis ang pagpasa sa House Bill 4488 o Fiscal Year 2023 General Appropriations Bill o GAB ng House of Representatives.
Ito’y matapos sertipikahang “urgent” ni Pang. Ferdinand Marcos Jr.

Batay sa dokumento na pirmado ng presidente at naka-address kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, nakasaad na sinesertipikahan ang agarang pagpapatibay sa House Bill kung saan nakapaloob ang P5.268 trillion na pambansang pondo para sa susunod na taon.

Layon nito na matugunan ang pangangailangang maituloy ang operasyon ng pamahalaan, mapalakas at maging mas epektibo ang pagresponde sa COVID-19 pandemic, at masuportahan ang mga inisyatibo para sa national economic recovery.

-- Advertisement --

Kapag certified urgent, obligado ipasa ng Kamara ang budget bill sa ikalawa at ikatlong pagbasa sa loob lamang ng isang araw.

Una ng inihayag ng Kamara na ang panukalang 2023 National Budget ang prayoridad at target ito matapos ang sponsorship at floor debates sa Miyerkules o Sept. 28, 2022 at ipapasa ang 2023 GAB bago mag-recess ang Kongreso sa October 1.

Sa panig naman ni Speaker Martin Romualdez, on track ang Kamara sa kanilang iskedyul na nakatakda nilang tapusin ang budget debate at interpelation sa plenary.

” We are right on track with our schedule. The certification from Malacañang will enable the House of Representatives to approve the 2023 GAB on second and third reading on the same day which we set on Wednesday.”