-- Advertisements --
boracay island 1

KALIBO, Aklan – Muling nanindigan ang lokal na pamahalaan ng Aklan na suportado nila ang pagbuo ng Boracay Island Development Authority (BIDA) bill bilang regulatory body at hindi government owned and controlled corporation (GOCC).

Ito ang reaksyon ni Aklan vice governor Reynaldo Quimpo matapos aprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na bubuo ng BIDA-GOCC na mahigpit na tinututulan ng mga stakeholders at iba pang grupo sa isla.

Ayon kay Quimpo matagal na nilang inaasahan nga mabilis na paglusot nito sa Kamara.

Umaasa umano silang pumabor sa kanila ang bersyon ng Senado sa pamamagitan ng opposition paper na kanilang ipinadala.

Sa kabila nito, malaki rin ang pasasalamat ng lokal na pamahalaan sa pagpapalawig ni Pangulong Rodrigo Duterte sa termino ng Boracay Inter-Agency Task Force (BIATF) hanggang sa Hunyo 2022.

Inaasahang hindi maisakatuparan ang BIDA sa ilalim ng termino ni Duterte.

Sa House Bill 9826 o ang panukalang BIDA Act, umaabot sa 193 mambabatas ang pumabor habang pito ang kumontra at walang nag-abstain.

Sa ilalim ng naturang proposed bill, ang BIDA-GOCC ang mamamahala, magpapaunlad, magpapatakbo, magpapanatili at magre-rehabilitate sa Boracay Island Development zone sa buong isla ng Boracay at katabing Barangay Caticlan.