-- Advertisements --

Inianunsyo ngayon ni National Task Force Against COVID-19 vice chairman at DILG Sec. Eduardo Año na pansamantala munang susupindehin ng Inter-Agency Task For the Management of the Emerging Infectious Diseases (IATF) ang pagpapauwi ng locally stranded individuals (LSIs) patungong region 8.

Sinabi ni Sec. Año, ang hakbang na ito ay bilang pagbibigay daang matapos muna ang 14-day quarantine sa mga nagpositivo sa COVID-19 na nasa mga isolation at quarantine facilities ngayon sa Leyte.

Ayon kay Sec. Año, puno na kasi ngayon ang isolation facilities at wala nang pagdadalhan pa sa mga darating pang mga LSIs sa mga susunod na araw.

Dahil dito, inihayag ni Sec. Año na ang mga LSIs na narito sa Metro Manila at uuwi sa region 8 ay iipunin muna at kapag lumipas na ang 14 na araw na quarantine sa mga nasa isolation facilities sa Leyte ay saka sila isasakay sa barko at pauuwiin.

Ito rin umano ay alinsunod sa kahilingan ng mga local government units (LGUs) sa region 8.

Sa ngayon, nasa 431 ang mga kaso ng COVID-19 sa region 8, 232 ang aktibo rito at 218 ay nagpositibo mula sa mga umuwi roong OFWs at LSIs.