
Iminungkahi ni Senador Sherwin Gatchalian ang paglikha ng line item na may pondong P160 milyon para sa mga programang na may kaugnayan sa mental health ng Department of Education (DepEd).
Nababahala ang Senador na sa kabila ng maraming mga insidente ng bullying sa mga paaralan at dumaraming bilang ng mga mag-aaral na nagpapakamatay o nagtatangkang magpakamatay ay walang tiyak na pondong nakalaan sa DepEd para sa mga programa sa mental health.
Sa interpelasyon ng Senador sa panukalang pondo ng DepEd para sa 2024, inihayag nito na mula 2017, ang bilang ng mga mag-aaral na nagtangkang magpakamatay ay umabot na sa 7,892 at 1,686 naman ang tuluyan nang nagpakamatay.
Nakaaalarma ito aniya kaya nararapat lamang na taasan ang budget para sa mga programang may kinalaman sa mental health sa mga paaralan.
Matatandaang sa 79 na bansang lumahok sa 2018 Programme for International Student Assessment (PISA), ang Pilipinas ang may pinakamataas na porsyento ng mga estudyante na may edad na 15-taon ang nakaranas ng bullying.
Lumalabas sa datos na 65% ng mga mag-aaral na ito ang nag-ulat na nakaranas sila ng pambu-bully ng ilang beses sa loob ng isang buwan.
Dahil dito, Patuloy na isinusulong ni Gatchalian ang pagsasabatas ng Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act.
Pasado na sa huli at ikatlong pagbasa sa Senado ang naturang panukala noong nakaraang Setyembre.










