Welcome umano sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pagkakatalaga sa dating mamamahayag na si Edu Punay bilang officer-in-charge ng kagawaran.
Ayon sa DSWD, kinakailangan daw ito para sa patuloy na operasyon ng ahensiya at para hindi madiskaril ang mga nagpapatuloy na mga programa ng mga ito.
Lalo na raw ngayong kinakailangan na magbigay ng tulong sa mga apektado ng masamang panahon sa Visayas at Mindanao region.
Una rito, itinalaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Undersecretary Eduardo Punay bilang officer-in-charge ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ang appointment ni Punay ay kinumpirma naman ni Office of the Press Secretary officer in charge Cheloy Garafil maging ni Punay.
Ang pagkakatalaga kay Punay bilang officer-in-charge ng DSWD ay kasunod na rin ng hindi pagkakalusot sa makapangyarihang Commission on Appointments ng interim appointment ni Erwin Tulfo bilang secretary sa Congress na naka-recess na ngayong buwan.
Nakuwestiyon sa confirmation ng dating kalihim ang kanyang US citizenship at ang conviction para sa kasong libel.