-- Advertisements --

Umiwas si Senate Minority Leader Franklin Drilon na pag-usapan ang pagbalangkas sa ikatlong COVID-19 aid package.

Ayon sa senador, kailangan munang tapusin ng executive department ang pamamahagi ng pondo sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2).

Hindi raw kasi magkakaroon ng katuturan ang Bayanihan 3 kung hindi pa nakukumpleto ang pagbibigay ng pondo mula sa naunang batas.

Epektibo pa aniya hanggang sa Disyembre 19 ng kasalukuyang taon ang Bayanihan 2 na nagbibigay pahintulot sa executive branch na gumastos ng hanggang P165 billion para sa mga proyekto na may kinalaman sa coronavirus pandemic.

Una nang sinabi ng Department of Budget (DBM) noong nakaraang buwan na naipamahagi na nito ang P77.98 billion sa iba’t ibang ahensya para sa kanilang programa na tutugon sa COVID-19 crisis.

Dagdag pa ni Drilon na mas makabubuti para sa Kongreso na i-recalibrate ng proposed 2021 national budget upang siguraduhin na may sapat na pondo ang bansa upang magamit pambili ng COVID-19 vaccines. Kasama na rin dito ang pondo tuwing may kalamidad na haharapin ang bansa.

Magugunita na ilang senador ang isinusulong ang realignment para sa P19-billion anti-insurgency fund at ilaan na lamang ito sa social amelioration programs ng gobyerno.