-- Advertisements --

Suportado ni House Deputy Speaker Paolo Ortega ang panukala ng House prosecution panel na pahintulutan ang paggamit ng Filipino at English sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Ortega, mahalagang maunawaan ng karaniwang mamamayan ang mga pagdinig dahil ang kaso ay may kinalaman sa pananagutan ng mga opisyal at paggamit ng pondo ng bayan.

Sinabi rin niya na ang paggamit ng wikang mas komportable para sa mga testigo ay makatutulong upang mas malinaw at tumpak na mailahad ang mga ebidensya at testimonya.

Binigyang-diin ni Ortega na hindi inaalis ang paggamit ng English kundi dinaragdagan lamang ang paraan upang maging mas malinaw at mas madaling maintindihan ng publiko ang mga paglilitis.

Naniniwala rin siya na makatutulong ang panukala sa pagpapalakas ng transparency at pagpigil sa paglaganap ng maling impormasyon tungkol sa kaso.