Isinusulong ngayon sa Kamara de Representantes ang panukalang batas na naglalayong ipagbawal ang pagharang sa mga estudyanteng may hindi pa nababayarang tuition at iba pang obligasyon para makadalo sa kanilang graduation ceremonies.
Sa ilalim ng House Bill (HB) 8618 na inihain ni Parañaque City 2nd District Rep. Brian Yamsuan, layunin nitong tiyakin na ang lahat ng estudyante ay mae-experience ang kanilang pagtatapos anuman ang kanilang financial status.
Ayon kay Yamsuan, ang graduation ay mahalagang tagumpay hindi lamang para sa mga estudyante kundi pati narin sa kanilang mga pamilya na nagsakripisyo para sa kanilang pag-aaral, kaya’t hindi dapat ito ipagkait dahil lang sa kahirapan.
Gayunpaman, nililinaw ng panukala na bagama’t ipinagbabawal ang pagpigil sa pagdalo sa graduation dahil sa utang, kinikilala pa rin nito ang karapatan ng mga paaralan na singilin ang mga hindi pa nababayarang bayarin ng mga estudyante.
Saklaw ng naturang bill ang lahat ng public at private basic education institutions, higher education institutions, at technical-vocational schools na may kursong lampas isang taon.
Upang matukoy ang mga kwalipikadong estudyante na kabilang sa mga disadvantaged, maaaring mag-isyu ng certification ang local social welfare officer o Department of Social Welfare and Development (DSWD) regional officer sa mga kwalipikadong apektado ng kalamidad, krisis, o iba pang katanggap-tanggap na dahilan.
Bagama’t papayagang makadalo sa graduation, maaaring hindi agad maibibigay ang diploma at iba pang dokumento ng estudyanteng nakapagtapos hangga’t hindi pa nababayaran ang ang kanilang utang sa paaralan.
Maaari ring humingi ng promissory note at magpatupad ng iba pang legal remedies ang mga paaralan upang makasingil.
Sa ilalim rin ng panukala, ang mga paaralang lalabag ay maaaring maharap sa administrative sanctions mula sa Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).












