-- Advertisements --

Inihayag ni Interior Secretary Jonvic Remulla, na maaaring umabot ng isa hanggang tatlong linggo bago maibalik sa Pilipinas si dating Ako Bicol-Party List Rep. Elizaldy “Zaldy” Co mula sa bansang Czech Republic.

Si Co ay naaresto sa Prague matapos umanong mahuling walang tamang travel documents habang sinusubukang tumawid patungong Germany. Ayon sa ulat, pinabalik siya sa Czech authorities at kasalukuyang inaayos ang proseso ng kanyang deportation.

Sinabi pa ni Remulla na nakadepende ang bilis ng kanyang pag-uwi sa koordinasyon ng Department of Foreign Affairs at mga awtoridad sa Czech Republic. May mga komplikasyon din umano dahil kanselado na ang kanyang Philippine passport.

Ayon sa mga opisyal, nakapunta na rin si Co sa iba’t ibang bansa sa Europa bago siya maaresto, at posibleng dumaan pa siya ng France bago makarating sa Czech Republic.

Si Co ay nahaharap sa mga kasong graft at malversation kaugnay ng umano’y iregularidad sa P289.5 million flood control project sa Oriental Mindoro. Itinuturing na rin siyang “fugitive from justice” ng Sandiganbayan matapos umanong tumangging bumalik sa Pilipinas para humarap sa mga kaso.

Kapag nakauwi na siya, dadalhin siya sa Sandiganbayan para sa arraignment at posibleng ikulong sa Camp Crame habang dinidinig ang kanyang kaso.

Samantala, sinabi ng Malacañang na handa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa anumang magiging pahayag ni Co at nanindigan na dapat managot ang mga sangkot sa flood control corruption scandal.