-- Advertisements --
image 237

Sisimulan na ang pagbabakuna ng Bivalent COVID-19 vaccine bilang ikatlong booster dose sa mga healthcare workers at senior citizens sa araw ng Miyerkules, Hunyo 21.

Ayon sa Department of Health (DOH), ilulunsad ang naturang bakuna sa pamamagitan ng isang seremoniya sa Philippine Heart Center sa Quezon city sa nabanggit na araw kung saan dadalo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ang mga kwalipikadong mabakunahan sa unang bahagi ng vaccination ng ikatlong booster shots ng bivalent vaccine ay ang mga healthcare workers at senior citizens na nakatanggap na ng ikalawang booster shots apat o anim na buwan ang nakakalipas.

Hinihikayat naman ng DOH ang mga kwalipikadong Pilipino na magpabakuna ng bivalent vaccines na isang modified vaccines na tinatarget ang orihinal na covid-19 at omicron strains ng virus.

Ipinunto ni DOH Secretary Dr. Ted Herbosa na ang bivalent vaccine ay napatunayang ligtas at epektibo at ibinibigay ng libre.

Nakatakdang magpaso ang bivalent vaccines sa Nobiyembre 23 ng kasalukuyang taon.

Matatandaan na nasa kabuuang 390,000 bivalent vaccines ang nataggap ng Pilipinas mula sa Lithuania noong unang bahagi ng buwan ng Hunyo.

Top