-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Iniimbestigahan pa ng mga otoridad ang kasong robbery with intimidation na nangyari sa loob ng isang tahanan sa isang subdivision sa Asin Barangay, Baguio City kagabi.

Nakilala ang biktima at may-ari ng tahanan na si Ruth Garlit, 50-anyos, negosyante, tubongg Pangasinan at residente ng nasabing lugar.

Patuloy namang inaalam ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng limang mga suspek na armado ng mga baril.

Batay sa imbestigasyon, pumasok ang mga naka-bonnet na suspek sa gate na binabantayan ng gwardia na si Jayson Budiongan kung saan tinutukan nila ito baril.

Itinali at nilagyan ng mga suspek ng packing tape ang bibig ng gwardia kung saan nilagyan pa nila ng blindfold at kinuha ang baril at cellphone nito.

Nagtungo ang mga suspek sa bahay ni Garlit kung saan tinutukan din nila ito ng baril, itinali sa kamay at nilagyan ng packing tape sa bibig kasama ang dalawang kasama nito sa bahay.

Pagkatapos nito, dumiretso ang mga suspek sa silid ng biktima kung saan doon nila tinangay ang mga alahas, dalawang relo, tatlong cellphone, isang laptop at cash ng biktima na nagkakahalaga lahat ng P733,000.

Tumakas ang mga suspek gamit ang sasakyan ng biktima na iniwan din nila malapit sa main gate ng subdivision bago sila tumakbo sa hindi malaman na direksiyon.