Pumalo na sa P6.88 billion ang kabuuang halaga ng cash assistance na naipahatid sa mga benepisyaro ng second tranche ng Social Amelioration Program ng pamahalaan hanggang noong Hulyo 3, ayon sa DSWD.
Base sa latest data ng DSWD, hanggang noong Biyernes ay P6.88 billion halaga ng subsidiya na ang kanilang naipamahagi sa buong bansa sa kabuuang 1,362,911 na pamilya.
Mababatid na ang qualified beneficiaries sa second tranche ng programa ay iyong mga family beneficiaries ng first tranche na nasa ilalim ng enhanced community quarantine hanggang noong Mayo base na rin sa Executive Order No. 112, series of 2020, at Memorandum mula sa Office of the Executive Secretary noong Mayo 2.
Kabilang na rito ay ang mula sa National Capital Region; Region III, maliban na lamang sa Aurora; Region IV-A; Benguet; Pangasinan; Iloilo; Cebu Province; Bacolod; Davao City; Albay Province; at Zamboanga City.
Sa ilalim ng Social Amelioration Program, ang mga low-income families ay makakatanggap ng P5,000 hanggang P8,000 cash subsidies sa loob ng dalawang buwan.