Binigyang-diin ng Special Investigation Task Force (SITG) Lapid na wala pang napag-uusapan ang mga kinauukulan kung saan mapupunta ang reward money na itinalaga sa sinumang makakapagturo sa suspek sa pamamaril sa beteranong broadcaster na si Percival Mabasa o Percy Lapid.
Ito ay matapos na lumabas ang ilang mga usapin na ibibigay umano sa pamilya ng self-confessed suspek na si Joel Escorial ang nasa Php6.5 million na halaga ng reward money para sa naturang kaso.Ito ay matapos na lumabas ang ilang mga usapin na ibibigay umano sa pamilya ng self-confessed suspek na si Joel Escorial ang nasa Php6.5 million na halaga ng reward money para sa naturang kaso.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines ay sinabi ni Special Investigation Task Group (SITG) commander at Southern Police District Director Kirby John Kraft na sa kasalukuyan ay hindi pa nila napag-uusapan kung kanino ibibigay ang naturang pabuya dahil may sinusunod aniya silang parameters ukol dito.
Paglilinaw niya, mismong nasa mga donors na ang pagpapasya kung ano ang nararapat na gawin dito lalo na’t boluntaryong inialok ang reward money na ito upang mas mapabilis pa ang pagtugis sa mga suspek at mastermind na nasa likod ng nasabing krimen.
Samantala, una rito ay sinabi na rin ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. na posibleng mapunta na lamang sa sinumang makakapagturo sa utak ng pamamaril kay Lapid ang milyun-milyong reward money matapos na kusang sumuko sa mga otoridad ang gunman ng nasabing mamamahayag.
Kung maaalala, ang naturang reward money ay itinaas sa Php6.5 million mula sa dating Php500,000 kasabay ng paglalabas ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ng mas malinaw na imahe ng pinaniniwalaang gunman ni Lapid.
Ang Php500,000 dito ay galing mismo sa bulsa ni Interior Sec. Abalos, habang ang Php 5 million naman ay nagmual sa House of Representatives (HOR), at ang natitirang isang milyong piso naman ay mula sa donasyon ni Atty. Alex Lopez.