-- Advertisements --
image 245

Hindi bababa sa ₱5.3 million na kita ang mawawala sa araw-araw kung isasara ang Puerto Galera sa turismo dahil sa oil spill sa Oriental Mindoro, ayon sa Department of Tourism.

Sinabi ni Tourism Secretary Christina Frasco na ang Department of Tourism (DOT) ay lubos ding nababahala sa pinansiyal na epekto ng oil spill sa lalawigan, na tinatayang nasa ₱900 milyon sa kabuuan.

Idinagdag niya na ang Puerto Galera ay isang “top-rated destination,” na bumubuo sa 85% ng ekonomiya ng turismo ng Oriental Mindoro.

Tiniyak din ni Frasco na ang kanilang departamento ay nakikipagtulungan sa mga ahensya para sa madaling koordinasyon sa pagitan ng pambansa at lokal na pamahalaan ng Oriental Mindoro at Puerto Galera.

Una nang iniulat ng Department of Environment and Natural Resources na siyam lamang sa 35 sampling station sa Puerto Galera ang nakakatugon sa pamantayan para sa mga alituntunin sa kalidad ng tubig.

Dalawampu’t anim na lugar sa Puerto Galera naman ang bumagsak sa water quality test dahil sa oil and grease contamination.