-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Arestado ang isang high value individual (HVI) sa anti-illegal drug operation na isinagawa ng pulisya sa San Julian, Tabuk City, Kalinga.

Kaagad na inaresto ng pulisya si Pinklon Floyd Balinag alyas Martin Balinag, 30-anyos, may-asawa, electronics technician at residente ng San Julian, Tabuk City, Kalinga matapos na isagawa ang transaksyon sa loob ng sasakyan nito.

Nahalata pa raw ni Balinag na pulis ang katransaksyon nito kaya tinangka pa niyang tumakas pero kalaunan ay nahuli rin ng operating team.

Aabot sa 15 na pakete ng pinaniniwalaang shabu na may kabuuang bigat na aabot sa 25 grams na nagkakahalaga ng tinatayang P170,000 ang nakumpiska mula kay Balinag

Bukod dito, 24 piraso ng ibat-ibang bala at mga drug paraphernalia din ang nakuha mula sa suspek.

Dahil dito ay kinasuhan si Balinag nang paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.