-- Advertisements --

Nagbabala si Taguig City Mayor Lino Cayetano sa mga residente ng Bonifacio Global City (BGC) at maging sa mga bisita na nagpapatuloy sa outdoor fitness at leisure activities kahit may umiiral na enhanced community quarantine.

taguig ecq
Quarantine violators, BGC

Ayon kay Cayetano, aarestuhin na ang mga lumalabag sa kanilang city guidelines.

Ang babala ay sinabi ng alkalde matapos makatanggap ng mga video, larawan at ulat ukol sa mga taong nag-eehersisyo at iba pang paglilibang sa labas ng kanilang bahay.

“Our front-liners are working hard to keep you safe,” wika ng alkalde.

“When you evade the rules of the ECQ, you not only endanger yourselves but others also. You also take time and valuable resources from areas where they are most needed,” dagdag pa ng opisyal.

Giit ni Mayor Lino, ito na ang pinal at huling babala para sa mga nagbabalewala sa kanilang kautusan.

Kaya hindi na umano magdadalawang isip ang mga otoridad na hulihin ang mga pasaway sa susunod na makita ang mga ito sa kanilang maling gawain.

Habang sinusulat ang balitang ito, ang Philippine National Police sa Taguig ay nakadakip at nakapagsampa na ng reklamo laban sa 15 lumabag sa ECQ sa BGC, kasama na ang ilang banyaga.

Habang aabot naman sa 500 violators ang naaresto sa buong lungsod.

Kaugnay nito, umapela si Cayetano sa may-ari ng mga gusali at sa kanilang security team na tumulong sa pagpapatupad ng guidelines hinggil sa ECQ.

“BGC has 30 confirmed Covid-19 infections but I am confident that if they fully participate in their comprehensive approach in handling the virus, we can contain its spread. We have been doing extensive contact tracing, disinfection, and containment in BGC and (the) rest of Taguig, but we need citizens to cooperate,” wika pa ni Cayetano.