CAUAYAN CITY – Nadakip ang isang empliyado ng Nueva Vizcaya Agricultural Terminal, Inc. (NVAT) sa isinagawang anti illegal drug buy-bust operation sa Almaguer North, Bambang, Nueva Vizcaya.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Nueva Vizcaya Police Provincial Office (NVPPO), kinilala ang suspek na si Michael Quetives, 38-anyos, NVAT employee at residente ng Indiana, Bambang, Nueva Vizcaya.
Sa pagtutulungan ng Municipal Drug Enforcement Unit ng Bambang Police Station at Provincial Drug Enforcement Unit ng NVPPO ay isinagawa ang isang anti-illegal drug buy-bust operation sa tulong ng PDEA Region 2 laban sa suspek.
Nabili sa pinaghihinalaan ang isang heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng iligal na droga kapalit ng P1,000.
Nakuha rin ang isa pang plastic na naglalaman ng 4 piraso ng maliliit na sachet na naglalaman din ng hinihinalang shabu at isa pang plastic sachet na wala ng laman.
Nakuha rin ang isang wallet na may lamang P2,480, isang cellphone, isang sling bag, P23,196 na cash at isa pang sachet na naglalaman ng hinihinalang droga.
Kabilang sa High Value Individual List si Quetives na nasa kostodiya na ng Bambang Police Station.
Siya ay mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 (comprehensive dangerous drugs act of 2002).