-- Advertisements --

Nagpaputok ang North Korea ng hinihinalang ballistic missile patungo sa silangang baybayin na sakop ng Japan

Ito ang kinumpirma ng Joint Chiefs of Staff ng South Korea matapos na ma-detect ang paglunsad ng nasabing missile test mula sa Pyongyang sa North Korea.

Lumipad umano ang ballistic missile at umabot sa 620km o (172 milya) bago nahulog sa dagat habang sinasabi naman ng defense ministry ng Japan na lumipad ito na may distansyang 650km (400 milya) at umabot sa pinakamataas na altitude na 100km o 62 milya.

Hindi naman tinukoy ng Joint Chiefs of Staff ng South Korea ang eksaktong uri ng pinaputok na missile ngunit sinasabi nila na sumusubok ang North Korea ng isang bagong intermediate range hypersonic missile na pinapatakbo ng isang solid-fuel engine.

Kung matatandaan, noong Marso ay sinaksihan ni North Korean leader Kim Jong Un ang isang ground test na isa ring intermediate range hypersonic missile upang pagtibayin umano ang depensa ng kanilang bansa.

Samantala, kinondena naman ni Japanese Prime Minister Fumio Kishida ang pagpapaputok ng North Korea at sinabing nakakaapekto ito sa kapayapaan ng rehiyon.