-- Advertisements --

Kinumpirma ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na dalawang indibidwal ang inaresto matapos ang kaguluhan sa pagitan ng mga nagpoprotesta at kapulisan sa isang rally sa EDSA nitong Martes ng umaga.

Sumiklab ang tensyon matapos ilegal na iparke ang ilang bus na nagdulot ng matinding trapiko sa EDSA-White Plains.

Ayon kay NCRPO Director MGen. Anthony Aberin, natanggal na ang mga nakaharang na bus at agad na hinuli ang mga nasa likod nito.

Kinumpirma ni Aberin na kabilang sa mga inaresto ang isang nanapak at ang driver na nanakit sa kapulisan.

Samantala, isang pulis ang isinugod sa ospital matapos mahagip ng isa sa mga bus.

Bunsod ng insidente sa lugar, nag-deploy na ang NCRPO ng halos 5,000 tauhan at humingi na rin ng reinforcement upang mapanatili ang seguridad.

Kasalukuyan ding nakikipag-ugnayan ang pulisya sa mga pinuno ng kilos-protesta upang matiyak ang kaayusan at maiwasan ang muling pagharang sa mga lansangan.