-- Advertisements --

Kinumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) na authentic at hindi gawa ng artificial intelligence ang kumakalat na “kill threat” video ni Vice President Sara Duterte laban kina Pang. Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.

Sa pagdinig ng House Committee on Justice, sinabi ni NBI Agent John Mark Calilung na sumailalim sa masusing pagsusuri ang nasabing video sa ilalim ng Affidavit of Authentication of Digital Evidence.

Ang video ay ginawa noong Nobyembre 23, 2024, kasabay ng pagkaka-detain ng chief of staff ng bise presidente na si Zuleika Lopez matapos ma-contempt sa Kamara de Representantes.

Muling inilabas ang naturang video sa impeachment proceedings, kung saan narinig si Duterte na nagbitiw ng matitinding pahayag at umano’y banta laban sa mga nabanggit na opisyal.

Ayon pa kay Calilung, nakipag-ugnayan ang NBI sa Meta upang mapreserba ang orihinal na kopya ng video, kabilang ang URL, screen recording ng livestream, at hash value computation—isang digital “fingerprint” na nagbabago kapag na-edit ang file.

Samantala, sinabi ni NBI Director Melvin Matibag na patuloy ang kanilang imbestigasyon upang matukoy ang sinasabing indibidwal na kinausap ng bise presidente kaugnay ng pangbabanta.

Dagdag pa niya, kabilang sa mga iniimbestigahan ang ilang indibidwal na may malapit na ugnayan sa bise presidente, kabilang ang mga kasalukuyan at dating miyembro ng Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG).

Batay sa imbestigasyon ng NBI, itinuturing na seryoso ang naturang banta kaya nagsampa na sila ng kasong grave threats at inciting to sedition.

Patuloy namang sinusuri ng mga awtoridad ang lawak ng insidente, lalo na’t sangkot dito ang ikalawang pinakamataas na opisyal ng bansa.