Itinanggi ng National Bureau of Investigation (NBI) na sila ang nasa likod ng operasyon sa Senado kaugnay ng umano’y pag-aresto kay Senador Ronald ”Bato” Dela Rosa sa gitna ng tensyon at serye ng putukan noong Miyerkules ng gabi.
Sa isang panayam sinabi ni NBI Director Melvin Matibag na hindi siya pumunta sa Senado matapos silang utusang itigil ang operasyon.
Nilinaw rin ng opisyal na walang ahente ng NBI ang nasa loob ng Senado nang mangyari ang insidente. Hiniling lamang ang kanilang presensya upang suriin ang seguridad sa paligid ng gusali ng Senado.
Paliwanag pa ni Matibag, nakatanggap siya ng tawag mula kay Senador Loren Legarda hinggil sa umano’y presensya ng mga armadong ahente ng NBI sa Senado ngunit itinanggi ito ng opisyal.
Dagdag pa ng NBI chief, wala silang inilabas na utos para arestuhin si Dela Rosa at iginiit niyang “100 percent” na walang operasyon ang NBI sa Senado kagabi.
















