-- Advertisements --

Binigyang diin ng mga mangingisda sa bansa ang malaking epekto umano ng kasalukuyang isyu sa pinag-aagawang teritoryo ng Pilipinas o ang West Philippine Sea.

Sa pangunguna ni Roberto ‘Ka Dodoy’ Ballon, isang mangingisda at co-convenor ng Atin Ito coalition, kanyang ibinahagi ang kahalagahan ng parte ng dagat sa food security ng bansa.

Ayon kasi sa kanya na dito nakasalalay ang malaking bahagi sa suplay ng mga pagkain ng Pilipino lalo na ang mga mula sa karagatan.

Kaya’t gayon na lamang ang kanyang paninindigan na hindi dapat isantabi ang naturang isyu na dapat pang pagtuunan ng pansin upang lubusang matugunan.

Dagdag pa niya’y mahalaga ang mga pagkaing isda sapagkat dito kadalasang nagmumula ang protinang kinakailangan ng isang inidbidwal o ng mga Pilipino.

Kung saan kanya pang ipinaliwanag kung ano ang mga posibleng mangyari sakaling tuluyan ng maagaw ang West Philippine Sea.

Dahil dito, inihayag naman ng Atin Ito coalition ang pakikiisa at paggunita nito sa ‘araw ng mga mangingisda’ ngayong sabado.

Anila’y nakiisa ang grupo sa pagdiriwang nito, lalo pa’t maalala na inialay ng koalisyon ang paglalayag sa West Philippine Sea higit na para sa mga Pilipinong mangingisda.

Samantala, kaugnay naman sa civilian mission ng koalisyon na katatapos lamang ay agad silang nagbigay pasasalamat sa mga otoridad na siyang tumulong at umasiste sa kanila.

Kung saan ibinahagi ni Rafaela David, mission commander ng Atin Ito coalition ang kanyang pasasalamat sa Philippine Coast Guard, Philippine Navy, National Maritime COuncil, at ng National Task Force on the West Philippine Sea.

Pinasalamatan niya ang mga ito sapagkat sila raw ang nagseguro na ligtas ang lahat ng mga nakilahok sa naturang civilian mission ng Atin Ito coalition.