-- Advertisements --

Mahigit 1,000 katao na ang binawian ng buhay sa France dahil sa matinding heatwave na tumama sa Europa, ayon sa French public health agency.

Karamihan sa mga nasawi ay mga senior citizen o edad 65 pataas, ngunit inaasahang tataas pa ang bilang habang patuloy na kinokolekta ang datos mula sa mga kabahayan at residential care facilities.

Ayon sa mga siyentipiko, ang heatwave na nagsimula noong Hunyo 20 ang pinakamatinding naitala sa Europa, kung saan mas mabilis ang pag-init ng klima kumpara sa pandaigdigang average.

Nagdulot ito ng mga pagkamatay, pagkasira ng imprastraktura, at pagkaantala sa suplay ng kuryente sa ilang bansa.

Bagama’t humupa na ang matinding init sa malaking bahagi ng France, nananatili pa ring nasa ilalim ng heatwave alert ang ilang lugar sa hilagang-silangan ng bansa.

Sinabi naman ng French Health Minister Stéphanie Rist na maaaring maramdaman pa ang epekto ng matinding init hanggang sampung araw kahit humupa na ang heatwave.

Ayon sa health agency, bagama’t pinakamatinding naapektuhan ang mga nakatatanda, nakaranas din ng epekto nito ang lahat ng edad.