-- Advertisements --
COMELEC CHAIR GEORGE GARCIA

Sampung kandidato ang nadagdag sa listahan ng mga na-disqualify ng Commission on Elections (Comelec) sa katatapos lamang na barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE).

Ang kabuuang bilang ay umabot na sa 39.

Sa desisyon na inilabas noong Miyerkules, sinabi ng Comelec na siyam na kandidato ang nadiskwalipika para sa premature campaigning at isa naman sa vote buying.

Pito sa mga nadiskwalipika na kandidato ang tumakbong miyembro ng barangay council, isa para sa SK chairman at dalawa para sa SK council member.

Sa 39 na na-disqualify, 29 ang napatunayang guilty sa premature campaigning at dalawa sa vote buying.

Kinansela ng Comelec ang certificate of candidacy ng apat na kandidato habang dalawa ang idineklara bilang nuisance candidate.

Ang ahensya ay nagsampa ng 300 kaso ng disqualification laban sa mga kandidato ng BSKE.

Lumabas sa datos ng Comelec na tumakbo ang mga nadsikwalipika na kandidato sa mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Rizal, Bulacan, Tarlac, Batangas, Pampanga, Iloilo, Masbate, Surigao del Note, Bukidnon, Northern Samar, Maguindanao at Eastern Mindoro.

Sa Metro Manila, ang mga nadsikwalipika na kandidato ay mula sa Marikina, Quezon City at Taguig.

Ayon sa Comelec, nakatuon sila sa pagresolba sa lahat ng kaso ng disqualification kaugnay ng BSKE.