Nilinaw ni Department of National Defense (DND) Secretary Carlito Galvez Jr., na ang sinasabing “ugong-ugong” sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na nabanggit sa pagdinig ng Senate Committee on National Defense and Security, Peace, Unification and Reconciliation noong Martes, ay “tampo” lang ng mga tropa sa pagpapatupad ng Republic Act (RA) 11709.
Paliwanag ng kalihim, ito ay dahil nangangamba ang mga tauhan ng AFP sa kahihinatnan ng kanilang mga career sa pagpapatupad ng batas, na nagtatakda ng fixed term sa liderato ng Sandatahang Lakas.
Sinabi ni Galvez, na pinakikinggan ng DND ang hinaing ng mga tropa, kaya nagpanukala sila ng mga amyenda sa batas na magsusulong ng propesyonalismo at “efficiency” sa AFP.
Sa kanyang “talk to the troops” sa pagbisita ni Sec. Galvez sa Philippine Army Headquarters, nitong Miyerkules, sinabi ng kalihim na inirekomenda ng DND at AFP na ang promotion system at retirement ng mga enlisted personnel ay hindi nasasailalim sa RA 11709.
Sinabi din ng kalihim, na nangako ang mga mambabatas na aalagaan ang AFP dahil sa kanilang mahusay na pagsisilbi sa bayan.