-- Advertisements --

Nagpahayag ng pagkabahala ang mga sabungero ukol sa panukalang Senate Bill No. 2975 o Revised Animal Welfare Act na inisponsor ni Senador Grace Poe, dahil maaaring mapabilang ang sabong sa mga aktibidad na ipagbabawal.

Ayon kay Joey Sy, beteranong gamefowl breeder at host, mawawala daw ang isang sinaunang tradisyon at kabuhayan ng libo-libong Pilipino kung maisasama ang sabong sa mga ipinagbabawal na animal fights.

Ani pa ni Sy na maaaring madamay ang sabong kung hindi ito lilinawin.

Sinang-ayunan ito ng co-host niyang si Eddie Boy Ochoa na nanawagang ideklara ang sabong bilang bahagi ng pambansang pamana upang hindi ito mapagbawalan.

Samantala, binigyang-diin ni Atty. Arturo De Castro, isang gamefowl breeder at sabungero, na wala sa panukalang batas ang pag-exempt sa sabong, at ito raw ay maaaring magdulot ng “kiss of death” sa mga politikong susuporta rito.

Maalala na noong Hunyo 2, inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill 2975, na layong wakasan ang animal cruelty.

Nauna na ring inaprubahan ng Kamara ang panukalang House Bill 11254, na nagbabawal sa online sabong.