-- Advertisements --

Magsusumite ng kanilang rekomendasyon sina Muntinlupa City Rep. Ruffy Biazon at iba pang mga kongresista para sa implementing rules and regulations (IRR) ng Anti-Terrorism Law of 2020.

Ayon kay Biazon, gagawin nila ito upang sa gayon ay mabawasan ang pangamba ng publiko sa kontrobersyal na bagong batas na ito.

Hulyo 3 nang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang RA 11479, o ang Anti-Terrorism Law of 2020, sa kabila nang mariing pagtutol dito ng iba’t ibang grupo, kabilang na ang United National human rights body at Bangsamoro Transition Authority.

Si Biazon ay isa sa mga pangunahing may-akda ng bagong terrorism law na ito nang ito ay tinatalakay pa sa Kamara.

Pero binawi nito ang kanyang authorship at bumoto ng “no” nang idinaan na sa botohan ang naturang panukala.

Iginiit ni Biazon na hindi siya naging kontento sa ibang probisyon ng bagong batas na mayroong posibilidad aniya ng misinterpretation.

“Kung gagawa tayo ng batas, gusto natin sana na malinaw talaga yung pwedeng gawin, yung kailangang gawin para hindi maging subject to iba-ibang mga interpretasyon at lalong-lalo na yung iba-ibang implementasyon,” dagdag pa ni Biazon.

Umaasa ang kongresista na malinawan ang mga probisyon na sa ngayon ay maituturing pang malabo pagdating sa IRR ng bagong batas, partikular na aniya ang Section 25 hinggil sa designation ng isang “terorista.”