Pinaalalahanan ng Commission on Elections (Comelec) ang lahat ng mga tumatakbong kandidato para sa darating na halalan na election offense ang pagbabayad ng Permit to Campaign at Permit to Win fees sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) at iba pang mga kaalyado nito na maaaring maging dahilan ng kanilang diskwalipikasyon.
Ito ay matapos na aprubahan ng komisyon ang naging rekomendasyong tugon ng Law Department sa liham ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na maglabas ng resolusyon hinggil sa mga parusang maaaring ipataw sa mga kandtidatong nagbabayad ng mga naturang fees.
Maituturing kasing paglabag sa Section 261 ng Omnibus Election Code ang naturang pagbabayad sa mga nasabing fees tulad na lamang ng pagbili at pagbebenta ng boto, pananakot, intimidation, terorismo, paggamit ng fraudulent devices at iba pa na maaaring kasuhan ng Comelec at iba pang sangay ng pamahalaan.
Sinasabi rin na paglabag ito sa Republic Act No. 10168 o ang The Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012 at ng Republict Act 11479 o ang Anti Terrorrism Act.
Samantala, inatasan naman ng Comelec ang Education and Information Department at Task Force Kontra Bigay ang malawakang pagpapakalat ng impormasyon na ito upang tuluyan nang maiwasan ang talamak na mga pangingikil na may kaugnayan sa darating na halalan sa Mayo 9, 2022.