-- Advertisements --

Target ngayon ng Philippine National Police (PNP) na mas paigtingin ang kampanya kontra ilegal na droga sa loob ng mga paaralan—hindi lamang para sa mga estudyante, kundi maging sa hanay ng mga guro at staff—kasunod ng pagkakaaresto sa isang “school principal” sa isang buy-bust operation sa Surigao del Sur.

Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio C. Nartatez, Jr., labis na nakababahala ang pagkakasangkot ng isang opisyal ng paaralan sa bentahan ng ilegal na droga dahil sila dapat ang nangunguna sa paggabay sa mga kabataan.

Matatandaang nadakip ang 45-anyos na suspek, na isang District 1 School Supervisor at Principal III, sa magkasanib na operasyon ng PNP at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Tagbina, Surigao del Sur noong Marso 20.

Nakumpiska sa kaniya ang hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P6,800 at ang ginamit na buy-bust money.

Bilang tugon sa insidente, binigyang-diin ni Nartatez na makikipag-ugnayan ang PNP sa Department of Education (DepEd) upang magsagawa ng mas mahigpit na preventive education para sa mga miyembro ng faculty.

Kasabay nito, nag-isyu rin ng matinding babala si Nartatez sa sinumang kawani ng pamahalaan na masasangkot sa kalakalan ng droga, habang inatasan ang kanilang operating unit na tiyaking matibay ang isasampang kaso laban sa nadakip na principal.