ILOILO CITY – Sinunog ng pinaniniwalaang miyembro ng New People’s Army ang 13 motorsiklo na pagmamay-ari ng civilian at kasapi ng CAFGU at Philippine Army sa Brgy. Igcabugao, Igbaras, Iloilo.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Cpt. Kim Apitong, spokesperson ng 3rd Infantry Division ng Philippine Army, sinabi nito na limang lalaki na pinaniniwalaang miyembro ng mga rebelde na may bitbit na baril ang pumunta sa lugar kung saan naka-park ang mga motorsiklo.
Aniya, tinutukan ng baril ng dalawang lalaki si Elario na may-ari ng bahay malapit sa mga motorsiklo habang sinusunog ng tatlong iba pa ang mga sasakyan.
Hindi pa nakuntento ang mga rebelde dahil kinuha pa nila ang home made 12-gauge shot gun ni Elario.
Napag-alaman na batay sa record ng Igbaras Municipal Police Station, mula 2009, may tatlong kaso na ng panununog sa bayan na may kagagawan ng mga rebelde.