Naglabas na ang Department of Trade and Industry (DTI) ng implementing guidelines para sa operasyon ng ilang mga negosyo sa panahon ng community quarantine sa National Capital Region (NCR) o Metro Manila.
Saklaw ng Memorandum Circular 20-04 ang iba pang mga negosyo maliban sa malls na pinayuhang limitahan ang operasyon.
Epektibo ang direktiba sa loob ng 30 araw simula kahapon, Marso 15 hanggang Abril 14, 2020.
Sa ilalim ng Memo, isang buwan dapat magsara ang ilang mga negosyo na nagbibigay ng leisure at entertainment gaya ng mga night clubs, bars, beer parlors at pubs.
Bawal muna rin mag-operate ang mga art galleries, concerts, opera or dance productions, theatre halls at iba pang lugar na magbibigay rin ng art, entertainment at reaction activities.
Hindi muna rin dapat mag-operate ang mga gambling facilities gaya ng casinos, bingo halls, video gaming terminals, maging ang mga nagpapa-lotto at off-track betting.
Inihayag ng DTI, makikibahagi dapat ang mga lessors at mga may-ari ng espasyo ng mga neosyo sa responsibilidad sa pag-waive ng rental fees at charges sa mga tindahan.
Ang mga retail establishment at mga negosyong may patungkol sa agrikultura, manufacturing at services ay papayagan pa rin ng DTI pero dapat iwasan nila ang siksikan ng mga tao sa kanilang negosyo.
Hinihimok naman ng DTI ang mga negosyo na magbigay ng temporary housing para sa mga mangagawa nilang nakatira sa labas ng Metro Manila.
Samantala, para maiwasan pa rin ang paglabas ng mga tao, hinihikayat ng DTI ang retail establishments na palakasin ang internet retail o online commerce dahil papayagan pa rin naman ng delivery platforms sa NCR.