Natukoy na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang may-ari ng inabandonang Merchant Vessel Mirola-1 sa Mariveles, Bataan noong araw ng Sabado, Hulyo 27.
Ito na ang ikatlong mechant vessel na nagdulot ng oil spill sa karagatan ng Bataan sa mga nakalipas na linggo. Una rito ay ang paglubog ng MT Terranova at MT Jason Bradley na nauna ng nagdulot ng oil spill.
Ayon kay PCG Bataan Oil Spill Response commander Lt. Commander Michael Encina, ang Mary Jane Ubaldo ang may-ari ng naturang MV Mirola-1.
Ipinaliwanag aniya ng may-ari ng barko na natakot silang i-report sa mga awtoridad ang insidente dahil ito ang unang pagkakataong nalagay sila sa ganoong sitwasyon.
Bagamat ayon kay Lt. Encina minimal lang ang naobserbahang tumagas na langis sa gilid ng motor vessel.
Sinimulan na rin ngayong araw ang pag-rekober sa tumagas na langis sa manu-manong pag-scoop at nilipat sa malalaking drum na dadalhin sa waste disposal facility.
Matatandaan na noong araw ng Miyerkules, natagpuan ang MV-Mirola 1 na bahagyang nakatigilid matapos na sumadsad sa mababaw na bahagi ng karagatan ng Mariveles, Bataan.
May karga itong 2 drum ng heavy fuel oil at 3,000 litro ng diesel.
Sa ngayon, ayon sa PCG official, ang lokasyon ng barko ay very challenging dahil sa malalaking alon sa lugar kayat pahirapan ang pag-assess sa sitwasyon ng barko at posibleng tumagas na langis.