Pinapa-imbestigahan ni Deputy Speaker at Las Piñas Representative Camille Villar ang patuloy na pagtaas ng maternal death sa bansa.
Ayon mambabatas, umabot na sa 2,478 ang bilang ng mga nasawing kababaihan na nagbubuntis o nanganganak, simula noong 2021.
Ito ay katumbas ng anim hanggang pitong namamatay na nagbubuntis o nanganganak, kada araw.
Dahil dito, inihain ng mambabatas ang House Resolution 1025, kung saan pinapakilos nito ang Committee on Health, Committee on Women and Gender Equality, at Committee on Sustainable Development Goals na magsagawa na ng pagsisiyasat.
Masyadong mataas na aniya ang kasong ito, kayat kailangan nang matukoy ang dahilan sa likod nito.
Ayon sa Kongresista, sa ilalim ng United Nations Sustainable Development Goals na kinikilala ng Pilipinas, mas mababa dapat ang naitatala ng bansa na maternity death kumpara sa global maternal mortality ratio.
Sa ilalim nito ay dapat mas mababa sa 70 death kada 100,000 live birth kada taon ang naitatala lamang ng bansa, pagsapit ng 2030, kung saan hindi aniya aakma dito ang kasalukuyang kaso sa bansa
Responsibilidad ng pamahalaan aniya na magbigay at bumuo ng mga programa na tutugon sa pangangailangan ng publiko, at matiyak ang kanilang kaligtasan at kalusugan.